Tampok sa pag-aaral na ito ang dalawang tradisyonal na pamamaraan at gawi sa Marinduque upang mapigilan at malunasan ang lala (kamandag/lason): ang pag-inom ng tawak at ang pagtatandok. Ang tawak ay isang inuming inorasyunan na binubuo ng iba’t ibang sangkap at niluluto ng magtatandok. Iniinom tuwing Biyernes Santo, pinaniniwalaang nakakapagpawalang-bisa ito ng kamandag ng hayop, gayundin ang iba pang benepisyong pangkalusugan. Isinasagawa naman ang tandok ng mga manggagamot sa mga pasyenteng nakagat ng makamandag na hayop. Gumagamit ang magtatandok ng bolang kristal, sungay, patalim, at orasyon upang ilabas sa katawan ng pasyente ang lala.
Sinisiyasat ng pag-aaral na ito ang gampanin ng mga naturang tradisyon sa kasalukuyang lipunang Marinduqueño. Sa isang banda, makikitang reaksyon ito ng “taong-labas” sa harap ng kadahupan sa modernong akses-medikal. Sa kabilang banda, nararapat ding kilalanin ang matagal nang pamamayagpag ng mga ganitong tradisyon kung ipopook sa mas malawak na konteksto ng kalinangan at kasaysayan.